Sumablay ang Philippine Coast Guard noong Enero 12 nang hindi nila nasamahan at nabantayan ang mga mangingisda na nanguha ng taktakun sa may Panatag Shoal o Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Kinompronta ng mga Chinese Coast Guards ang mga mangingisda at pinababalik sa dagat ang mga huling taktakun bago sila pinaalis, ayon sa isang saksi sa insidente. Sinamantala ng mga Intsik na takutin ang mga Pilipino dahil walang PCG na magtatanggol sa kanila noong araw na iyon.
Isa lang ang ibig sabihin nito. Kailangang bantay-sarado ang mga coast guard sa mga mangingisdang Pilipino na nagtatrabaho sa WPS. Pinaliwanag ng PCG na kulang ang barko nila upang magbantay ng 24/7 sa napakalawak na WPS. Nataon na ang barko nila ay nakadestino sa ibang bahagi ng karagatan.
Karelyebo ng PCG sa pagpapatrulya ng WPS ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ngunit kulang rin ang mga barko ng ahensya. Kailangang dagdagan pa ang mga barko ng PCG at BFAR upang mapangalagaan ang paghahanapbuhay ng mga mangingisda. Kung hindi naman ay dapat tumutulong ang Philippine Navy sa tungkuling ito.
Magandang masanay na ang mga barko at marino ng PN sa pagtugon sa pamemerwisyo ng mga CCG sa mga mangingisdang Pilipino dahil mandato naman ito ng hukbong dagat. Kailangan din nilang masanay kapag nagpadala na rin ang Tsina ng naval ship sa WPS.
Sa mga naval drills na isinagawa ng PN sa WPS kasama ang hukbong dagat ng Estados Unidos at ibang bansa, kasama ang mga barkong pandigma kaya marapat lamang na gampanan rin ng PN ang pagpapatrolya ng WPS. Wala namang ibang aasahan ang mga mangingisda pagdating sa proteksyon nila sa mga CCG kundi sila.
Sa suliranin sa pagpapadala ng pagkain at iba pang supply sa mga sundalong nasa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, kung walang barkong magdadala ng supply ay pwede namang mismong barko ng PCG o PN na ang magdala at mga coast guard at navy men na ang mag-abot ng supply sa mga sundalo sakay ng maliliit na inflatable rafts.
Nakakahiya kung patuloy na itataboy ng mga Intsik ang mga Pilipino sa sariling nilang dagat. Magmumukhang walang silbi ang ating hukbong dagat at PCG sa pangangalaga ng soberenya at teritoryo ng bansa.