Nasa tatlo katao ang nasawi habang isa naman ang sugatan matapos pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki ang barangay hall ng Barangay Bahay Pare sa Meycauayan, Bulacan nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa Meycauayan Police, napatay ng dalawang armado ang barangay tanod na nagbabantay sa harap ng gate.
Sa paunang imbestigasyon, nagroronda ang mga pulis sa lugar nang makarinig sila ng putukan sa naturang barangay hall kaya agad silang pumunta sa lugar.
Ayon kay PCapt. Jocel Calvario, chief of operations ng Meycauayan Police Station, pagdating nila sa lugar nakita nila ang dalawang armadong lalaki sa gate ng barangay hall at nagkaroon ng palitan ng putok.
“Palabas ng barangay at pinuputukan pa ‘yung barangay hall. Noong paalis na sila, nagkita na kami so gumanti na kami ng putok,” sabi ni Calvario.
Sakay ng isang motorsiklo, nagtangka pang tumakas ang dalawang armado pero napatay sila ng mga pulis.
“Wala kaming magagawa kundi gumanti. Kahit sino naman kapag sasaktan ka, sa ganoong sitwasyon wala kaming magagawa kundi pumutok,” dagdag niya.
Isa sa mga napatay na armado ay hindi pa nakikilala.
Sugatan ang isang bystander na dinala sa ospital, sabi ni PCpl Regie Siobal, imbestigador ng kaso.
Ayon sa testigo, bigla na lang umanong may nagputukan at sinabihan silang dumapa. Walang tigil ang pagputok ng mga baril na tinamaan ang mga salamin, pintuan, at furniture ng ilang kuwarto sa barangay hall.
Nasa 3 minuto umano tumagal ang pagpapaputok ng dalawang armado bago dumating ang mga pulis.
Gumapang siya para pumunta sa likurang bahagi ng barangay hall.
“Hindi ko alam na siya yung binaril kasi magkatalikod kami eh. Nasa likod na ako, nakatakbo na ako,” sabi ng testigo.
Ayon sa barangay tanod na si Roselio Arropot, naghuhugas siya ng rice cooker nang biglang makarinig ng putok sa labas ng barangay hall.
Nang silipin ang nangyayari mula sa second floor, nakita ng dalawang armado, pinaputukan siya at ang mga bintana doon.