Maganda ang simula ng kampanya ng Pilipinas sa 33rd Dubai International Basketball Championship nang talunin ng Strong Group Athletics ang pambansang koponan ng United Arab Emirates, 82-66, kahapon sa Al Nasr Club.
Pinangunahan ng dating National Basketball Association star na si Andre Roberson ang SGA sa pag-iskor ng 15 puntos, 16 rebound, 3 assist at 3 blocks. Hindi naman malayo ang isa pang dating sikat na manlalaro ng NBA na si Dwight Howard sa pagdagdag ng 14 puntos habang kumana naman si Kevin Quiambao ng La Salle ng 13 puntos.
Pinakita ng SGA ang lakas nito sa simula pa lamang ng laban nang rumatsada ito, 18-11, hanggang sa makahabol ang UAE at ipatas ang iskor sa 22 sa pagtatapos ng unang quarter.
Angat pa rin ang SGA sa pagtatapos ng unang kalahati ng laban, 46-40. Mula roon ay hindi na nakalamang ang kalaban.
Sina Roberson at Quiambao ang nag-angat sa SGA, 60-42, sa ikatlong quarter.
Lumapit ang UAE, 72-61, sa apat na minutong nalalabi sa laban sa pamamagitan ng 10-0 na atake na pinangunahan ng Emirating si Omer Alameri.
Matapos ang matagal na walang buslo ay muling umarangkada ang SGA at sinamantala ang mga turnover at mintis ng kalaban.
Nanguna sa UAE ang lokal na si Hamid Abdul-Lateef na may 19 puntos.
Susunod na makakalaban ng SGA ang koponan ng Al Wahda Sports Club.