Masayang nagbabalik sa bansa ang Kastilang basketbolistang si Ari Geli para lumahok sa ikalawang taon ng Manila Hustle 3×3 basketbol.
Pangarap na natupad ang muling makapaglaro sa Pilipinas, ayon sa 21-anyos na basketbolistang umani ng maraming tagahanga sa kanyang unang sabak sa ligang 3×3.
“Mahal ko ang Maynila at mahal ko ang Pilipinas. Mahal ko kung paano kayo nabubuhay sa basketbol,” aniya, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.
“Masaya ako sa pagkakataong ito,” dagdag ng Espanyolang guwardya. “Pakiramdam ko ay nasa bahay ako.”
Maglalaro si Geli sa koponang Uratex Tibay kasama ang mga lokal na sina Ford Grajales, April Siat at Cecilia Junsay.
Magsisimula ang Manila Hustle 3×3 Season 2 sa Pebrero 3 at 4 sa SM Mall of Asia Music Hall.
Sa nakaraang torneo, dinala ni Geli ang Zoos Tokyo sa quarterfinals.
Batid niya na nais ng mga tagasunod niya na umabot ang koponan nila sa knockout rounds.