Sa maraming nais mag-negosyo, pasakit ang maraming rekesitos at bayarin sa munisipyo upang makapagbukas ng pribadong kumpanya o tindahan.
Literal na dadaan sa butas na karayom ang aplikante ng business permit at mga sertipikasyon sa iba-ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Internal Revenue, PhilHealth, Pag-IBIG at Social Security System. Lalong pahirap dahil iba-iba ang lokasyon ng mga opisina ng ahensya kaya lagari sa daan ang pag-ayos at pagkuha ng mga papeles.
Bakit kailangang pahirapan ang pagtatayo ng negosyo na makakatulong sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mga mamamayan? Bakit hindi na lang dalawang hakbang lamang – rehistrasyon at pagbabayad — ang buong proseso imbes na kukuha ng clearance sa barangay, pulis, dito at doon, health certificate para sa mga trabahador at kung anu-ano pa.
Sa kabila ng paglalagay ng one-stop shop para sa mga nagpapa-renew ng business permit, matagal pa rin ang gugugulin na oras ng mga nakikipagtransaksyon sa munisipyo o city hall dahil pinagsasabay-sabay ang panahon ng pagkuha at pagbayad ng mga rekesitos at buwis sa unang buwan ng taon imbes na sa iba-ibang araw nang sa gayon ay hindi dagsa ang tao at hindi sobrang haba ng pila. Kulang ang walong oras na asikasuhin at matapos ang proseso dahil may cut-off time pa.
Matagal nang ganito ang kalakaran. Ngayong ibinalita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ginagawang hakbang upang pagbutihin ang tinaguriang ease of doing business sa bansa sa mga mamumuhunan, ibig lang sabihin na may problema pa rin dito, marami pa ring aayusing rekesitos at dadaanang opisina ang mga magtatayo ng negosyo.
Nabanggit ng pangulo ang digitalisasyon ng byurukrasya. Siguro naman ay mababawasan na ang kung anu-anong hinihingi ng mga lokal na pamahalaan at nasyunal na pamahalaan sa pagrerehistro at pagsisimula ng negosyo. Kung maaaring gawin ang proseso sa online, hindi na marahil magiging santos dasalan ang pagnenegosyo sa Pilipinas.
Kung madadaan naman sa santong paspasan ang transaksyon sa mga munisipyo, makabubuti hindi lamang sa mga kliyente kundi sa mga kawani ng pamahalaan dahil matatapos agad ang mga trabaho nila. Mayroon namang paraan na matamo ang santong paspasan sa pagnenegosyo. Sabi nga nila, kung gusto ay may paraan, kung ayaw ay maraming dahilan.