Halos 300 sundalo ng Myanmar ang tumawid sa Indiya papalayo sa mga lumulusob na rebelde kahapon, ayon sa isang opisyal ng paramilitary sa nasabing bansa.
Dala-dala ng 276 tropa ang kanilang mga armas at bala nang dumating sila sa nayon ng Bondukbangsora, pahayag ng opisyal ng pwersang Assam Rifles na ayaw magpakilala, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
“Binigyan naming sila ng matutuluyan sa aming kampo at iba pang suporta,” ayon sa opisyal.
Kinukuha ng hukbo ng Indiya ang biometrics ng mga sundalong taga-Myanmar at humingi sila ng pahintulot na maibalik sila sa kanilang bansa.
Marami pang ibang sundalo ng Myanmar ang lumikas sa Indiya upang umiwas sa bakbakan laban sa mga rebelde matapos ang tigil-putukan nitong Nobyembre, ayon sa ulat ng lokal na media.
Dalawang eruplano mula sa militar ng Myanmar ang lumapag sa Aizawl, kapital ng estado ng Mizoram, upang sunduin ang mga sundalo.
Nitong Oktubre, ang alyansa ng mga rebeldeng grupo sa Myanmar at dalawang katutubong minorya na armado ay naglunsad ng opensiba sa estado ng Shan sa hilagang bahagi ng bansa at sinakop ang dalawang bayan roon na sentro ng kalakalan malapit sa hangganan ng Indiya.
Nitong nakalipas na linggo, nagpahayag ng tigil-putukan ang alyansa ng mga rebelde sa Shan nang mamagitan ang Tsina kaya natigil ang matinding banta sa huntang namumuno sa Myanmar.
Hindi nga lang kasama sa tigil-putukan ang lugar malapit sa hangganan ng Indiya kung saan matindi ang labanan ng mga sundalo at rebelde.