Madaling idinispatsa ng Davao Occidental ang Kyusi Pablo Escobets habang dumaan naman sa butas ng karayom ang Quezon bago lusutan ang Strong Group-College of St. Benilde, 77-75 sa PSL President’s Cup.
Balanseng opensiba ang ipinamalas ng Tigers na nagpakita ng magandang shooting. Tumipa ng 50 percent shooting sa field goals ang Davao Occidental (40-of-80) habang nilimitahan naman nila ang Pablo Escobets sa 37 percent shooting (28-of-74).
Matinding buhos rin mula sa kanilang mga reserve players ang ibinigay ng Tigers kung saan mayroon silang natipong 60 puntos mula sa players na galing sa bench habang 12 lamang ang naiambag sa bangko ng Kyusi.
Bumida para sa Davao Occidental si Kurt Lojera na bumitaw ng 20 puntos bukod pa sa apat na rebounds at tatlong steals para gabayan ang Davao Occidental sa kanilang ikalimang panalo sa walong laro.
Pumagitna naman si Ximone Sandagon na tumapos ng 17 puntos, anim na rebounds at apat na blocks.
Tila nagsilbing hamon kay Sandagon na ibigay ang kaniyang magandang laro sa mga mas bata, mas talentadong players ng Blazers, pero nanaig pa rin ang kanyang mas malalalim na karanasan para giyahan ang kanyang koponan sa kanilang ika-pitong panalo sa walong laro.
Muling magbabalik ang aksyon sa PSL President’s Cup bukas sa Caloocan Sports Complex kung saan hangad ng home team na Caloocan Supremos ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa kanilang home court.
Haharapin ng Supremos ang mga bagito at talentadong Blazers sa ganap na 8 p.m.
Magtutuos naman ang MisOr Mustangs at CV Siniloan sa ganap na 6 p.m. habang bubuksan naman ng Bicol Spicy Oragon at Kyusi ang triple header sa kanilang pagtutuos sa ganap na 4 p.m.