Isang survey na inilabas ng Social Weather Stations ang nagpapakita na itinuturing pa rin ng halos kalahati ng mga Pilipino ang kanilang sarili na mahirap base sa resulta ng isinagawang survey sa buong bansa noong unang bahagi ng Disyembre 2023.
Sa nasabing survey, nasa 47 percent umano ng mga respondent ang itinuturing ang kanilang pamilya na mahirap o katumbas ito ng tinatayang 13 million pamilya.
Ito ay bahagyang bumaba sa 48 percent o 13.2 million pamilya na nagsabing mahirap ang knailang pamilya noong Setyembre 2023 at bumaba din mula sa 51% na naitala noong December 2022.
Maiuugnay ang bahagyang pagbaba ng mga nagsabing mahirap ang kanilang pamumuhay sa naobserbahang pagbaba sa Mindanao na nasa 61 percent mula sa 71 percent noong September na nag-rate sa kanilang sarili na mahirap.
Na-offset naman ito sa pagtaas ng bilang ng mga respondent na nagsabing mahirap sila sa Luzon mula sa 35 perecnt sa 39 percent.
Bahagya namang bumaba ang self-rated poverty sa Metro Manila mula sa 38 percent sa 37 percent at sa Visayas Region mula sa 59 percent sa 58 percent.