Inihayag ng Palasyo nitong Huwebes na nagkasundo ang Pilipinas at China na paigtingin pa ang maritime communication mechanism sa West Philippine Sea at kabilang dito ang pinalakas na koordinasyon sa pagitan ng dalawang foreign ministries at coast guard ng dalawang bansa.
Sumang-ayon din ang Manila at Beijing na mag initiate ng pag-uusap sa posibleng academic exchanges sa marine scientific research sa pagitan ng mga Filipino and Chinese scientists.
Nitong Miyerkules ay nagpulong ang Pilipinas at China sa 8th Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea na ginanap sa Shanghai at nagkaroon ng prangka at produktibong talakayan ang dalawang bansa para maging mahinahon ang sitwasyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Kapwa nagkasundo ang Pilipinas at China na lutasin ang isyu sa mapayapang paraan.
Ang pulong ay kasunod sa naging kasunduan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at President Xi Jinping sa San Francisco, California noong November 2023 para maiwasan ang tensiyon sa West Philippine Sea at sinundan ito ng pag-uusap sa pamamagitan ng telepono sina Foreign Affairs Enrique Manalo at Chinese Foreign Minister Wang Yi nuong December 2023.