Pansamantalang sinuspinde ng Guinness World Records ang titulo ni Bobi bilang pinakamatandang aso dahil nagduda ang mga opisyal nito at gagawa sila ng panibagong pagsusuri.
Ayon sa may-ari ng aso na pumanaw noong Oktubre, nabuhay ito ng 31 taon at 165 araw.
Purong Rafeiro o lahing Portuguese na guard dog si Bobi na karaniwang nabubuhay ng 12 hanggang 14 taon. Naungusan niya ang dating record-holder sa titulong pinakamatandang aso, ang Australyanong cattle dog na si Bluey na namatay sa edad na 19 taon at 5 buwan noong 1939.
Hindi sinabi ng GWR kung bakit naglunsad sila ng review sa titulo ni Bobi. Batay sa ulat ng media sa Britanya at Estados Unidos, nagkaroon ng hinala dahil iba ang kulay ng paa ni Bobi nang ito ay tuta pa lang kumpara sa nang ito ay tumanda na.
Sinabi rin ng beterinaryong taga-Lisbon na si Miguel Figuereido sa AFP nitong nakalipas na taon na mukhang hindi masyadong matanda ang aso batay sa muscle mass nito.
Iginiit naman ng may-ari ng aso na si Leonel Costa na ang mga hinala ay walang batayan dahil sumailalim ito sa kaparaanan ng sertipikasyon ng GWR na umabot ng halos isang taon at sinunod niya ang lahat ng requirements ng GWR.