Inihayag ng Department of Agriculture ang paglalatag nito ng isang three-year plan para sa agri-fishery production system at problema sa over supply dahil sa kakulangan ng cold storage facilities.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, naka-focus ang three-year plan sa pagpapalawak sa agri-fishery sector para tumaas ang produksiyon, pag modernize sa agri and fishery production system at pag improve sa post-harvest systems at infrastructure.
Iprinisinta ni Laurel ang plano sa isinagawang sectoral meeting sa Palasyo ng Malakanyang sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at tinalakay rin ang mga isyu na may kinalaman sa agrikultura tungo sa ” Masaganang Bagong Pilipinas.”
Dagdag pa ni Laurel, ilan sa mga napag-usapan ay ang tungkol sa dapat pang mapagandang logistics upang maiwasan ang maraming nasasayang na mga agricultural products gaya ng gulay at iba pang mga produkto.
Batay sa datos na binaggit ng kalihim, nasa 30 percent sa mga produkto ang nasasayang at sa rice and corn wastage, umaabot sa P10.7 billion pesos ang nawawala.
Lumalabas na 40 taon na minimal ang naging hakbang ng pamahalaan para mamuhunan sa post harvest facilities.
Kinumpirma rin ni Laurel na mayroon silang planong magtayo ng cold storage facilities sa Luzon partikular sa mga lugar kung saan binabagsak ang mga agricultural products sa Luzon partikular sa Cordillera Administrative Region at Benguet gaya ng La Union.