Nabawi na ng mga tropa ng Ecuador ang mga bilangguang sinakop ng mga nag-alsang preso at napalaya rin nila ang mahigit 200 tauhang binihag ng mga nakakulong nitong Linggo.
Pinasabog ng mga sundalo ang mga dingding ng isang kulungan sa siyudad ng Cuenca upang mapasok ito at masupil ang mga nang-agaw sa pasilidad.
Mga 61 kawani ng kulungan ang napalaya rin nila sa pagkakabihag, ayon sa alcalde ng lungsod.
Ipinakita ng hukbo ang isang video ng kanilang ginawa nitong Linggo. Ang mga daan-daang napasukong preso sa iba-ibang bilangguan ay nakahubad, nakayapak at nakahilata habang napapaligiran ng mga sundalo.
Makikita rin sa mga video ang mga guwardiya ng kulungan na lumuluha sa saya dahil sa pagkakaligtas sa kanila.
Sinabi ni Heneral Pablo Velasco sa Caracol TV na pitong bilangguan sa probinsiya ang nabawi sa mga nag-aklas na mga preso.
Binati ni Pangulong Daniel Noboa sa isang post sa X ang hukbong sandatahan, pulis at ahensyang namamahala sa mga bilangguan sa kanilang makabayan, propesyunal at matapang na ginawang pagpapalaya sa mga kulungan sa Azuay, Canar, Esmeraldas, Cotopaxi, Tungurahua, El Oro at Loja.
Pumalag ang mga bilanggo at nag-aklas nang maglunsad si Noboa ng pagsupil sa mga crime gang sa mga preso.