Tila inaabuso ang mga matatanda dahil hindi sila binibigyan ng diskwento sa presyo at tax exemption sa biniling produkto o binayarang serbisyo.
Isang babaeng senior citizen ang nagsampa ng reklamo sa korte laban sa isang hotel sa Pasig City dahil hindi siya umano binigyan ng 20 porsyentong diskwento sa pagtuloy roon noong Nobyembre 2022 at exemption sa 12 porsyentong extended value-added tax alinsunod sa batas, ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 at Consumer Act of the Philippines.
Ang pangulo at finance director ng hotel ang nasampahan ng kaso ng paglabag sa mga nasabing mga batas ng tagausig ng Pasig City at nagpataw ang Pasig Metropolitan Trial Court ng piyansang P36,000 sa bawat akusado para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Hindi kinatigan ng tagausig ang katwiran ng mga nasasakdal na ang hindi sinasadyang hindi sila nakapagbigay ng diskwento sa nagrereklamo. Lalong nadiin ang mga nasasakdal dahil sa promo ng hotel na walang permiso sa Department of Trade and Industry.
Samantala, nadiskubre naman ng Commission on Audit na P9.1-milyong halaga ng gamot para sa mga matatanda ang hindi naibigay ng pamahalaan ng Bohol sa mga benepisyaryo na taga Lila, Loay, Alburquerque, Baclayon, Corella, Sikatunan, Dauis, Panglao at Tagbilaran.
Ang mga gamot ay nakita sa imbentaryo ng pamahalaan ng Bohol.
Binili ang mga gamot alinsunod sa ordinansang nagpapatupad ng programang libreng gamot para sa mga senior citizen sa probinsiya.
Para sana sa mga may altapresyon, diabetes at rayuma ang mga gamot. May kasama ring libreng konsulta at pagsusuri ng random sugar count at complete blood count sa mga pampublikong ospital sa Bohol.
Ayon sa COA, labag sa batas, ang Government Auditing Code of the Philippines, ang pagkabigo ng pamahalaang Bohol sa pamamahagi ng libreng gamot. Nakita ng ahensya na nagkulang ang pamahalaang Bohol dahil hindi naisama ang pamamahagi ng ID card para sa mga makatatanggap ng libreng gamot. Ang nasabing ID ang siya rin sanang magsasabi sa mga matatanda na may libreng gamot, konsulta at lab test para sa kanila.
Hindi naman isyu na nasayang ang mga gamot ngunit hindi nakatulong ang programang libreng gamot na maibsan ang karamdaman ng mga nangangailangan nito.
Hindi dapat napagkakaitan ng benepisyo ang mga matatanda dahil ilang taon na lamang ang nalalabi sa kanilang buhay at malaki na ang kontribusyon nila sa lipunan. Isa pa, kailangang-kailangan nila ang nasabing gamot na hindi kayang mabili kung hindi na nila kayang maghanapbuhay.
Sana naman ay maiwasan ang katangahan sa pagsisilbi ng mga mamamayan. May pondo man para sa pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan, kung hindi naman matatanggap ng benepisyaryo ay wala ring silbi.