Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na buo ang kanyang suporta sa inisyatiba ng Senado matapos ihain ang Resolution of Both Houses of Congress na gagamit ng Constituent Assembly tungo sa pag-amiyenda ang 1987 Constitution.
Sinabi ng House Speaker na mahalagang hakbang ang resolusyon partikular sa layunin na luwagan ang economic provisions na nagpapatupad ng restrictions sa pagpasok ng foreign direct investments sa bansa.
Dagdag pa niya, napapanahon na umanong ihanay ang constitutional framework sa nagbabagong global economic landscape upang matamasa ang paglago ng ekonomiya sa tulong ng competitive at inklusibong economic environment.
“As Speaker, I assure the Filipino people that theur voices willbe heard and their interests safeguarded as we embark on this journey towards a brighter and more prosperous future for the Philippines,” sabi ni Romualdez.
Paliwanag pa niya, ang pag-amiyenda sa Konstitusyon sa paraang Con-Ass ay pagpapakita ng commitment sa democratic at participatory process na sumasalamin sa kagustuhang resolbahin na ang mga isyu at hadlang sa kaunlaran.
Naniniwala din si Romualdez na ang pagtutulungan ng Senado at Kamara ay matibay na senyales ng pagkakaisa at maihahanay sa isinusulong na People’s Initiative.
Samantala, pinagtibay ni Romualdez ang commitment na titiyaking transparent, inklusibo at alinsunod sa pagnanais ng taumbayan ang proseso at ang lahat ng tinig at interes ay poprotektahan at pakikinggan.
Kung matatandaan, inamin ng grupong nagsusulong ng pag-amyenda sa Konstitusyon na People’s Initiative for Modernization and Reform Action o PIRMA na sila ang nagpasimuno ng signature drive para mangolekta ng boto mula sa mga botanteng Pilipino para sa isinusulong na charter change sa pamamagitan ng people’s initiative.
Ayon kay PIRMA lead convenor Noel Oñate, nagsimula noong nakalipas na linggo ang kanilang signature campaign at nakakatanggap diumano ng mainit na suporta ang kanilang inisyatibo mula sa publiko lalo na sa D at E voting areas kung saan inaasahan umano nilang makakakuha ng 20 percent turnout sa lungsod ng Pasay.