Iniutos ng liderato ng Philippine National Police ang malawakang pagre-review ng mga records ng regional units nito matapos iulat ng National Capital Region Police Office na ang mga case folders ng mga iniimbestigahang pulis na may kaso ay nawawala.
“I am encouraging all other regions to review and check under system or in their records kung may similar incidents,” saad ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. nitong Lunes.
“We are assuming mayroon din sa ibang region,” dagdag niya.
Ayon pa kay Acorda, ang insidente sa NCRPO ay nakaka-alarma dahil nangyayari ito ngayong pinaiigting ng PNP ang paglilinis sa hanay nito.
“Definitely, alarming iyon because part of our focus agenda is integrity enhancement and kasama diyan ang cleansing natin and imposing the right penalty. If there are things that affect No.3 item natin sa five focus agenda, we will give special attention to that,” sabi ni Acorda.
Kung matatandaan, iniulat ni NCRPO chief Police Major General Melencio Nartatez Jr. na nawawala umano ang mga case folders ng mga pulis na nasasailalim sa administrative cases.
“When I came here nawawala ‘yung mga folder, worse nawawala,” saad ni Nartatez. “Second folder na na-resolve, hindi na implement, meaning nandoon lang sa baba.”
Dagdag pa niya, iniimbestigaha na ngayon kung ano ang motibo at kung sino ang may pakana nang pagkawala ng mga nasabing case folders.
“Hindi lang nawawala, nadi-delay or tinutulugan. Imbes na for dismissal siya is maging suspension lang in cahoots and/or connivance with the drafter ng isang resolution and or nag conduct ng summary dismissal proceedings,” sabi ni Nartatez.
“Kung ang internal cleansing, we will weed out these scalawags. About 5 percent yan and that 5 percent kakaunti lang sila, uubusin natin sila,” dagdag niya.
Sa ilalim ng pamumuno ni Nartatez, nasa 300 pulis na ang nasibak sa kanilang puwesto sa pagpapatuloy ng isinasagawang internal cleansing ng PNP.