Isang holdaper ang natiklo ng mga otoridad matapos umano nitong mang-holdap ng isang jeep sa Sta. Mesa, Maynila. Nakipaghabulan at nakipagbarilan pa ang suspek sa mga pulis bago ito tuluyang nasakote.
Sa mga kuha ng CCTV, makikita ang paghambalang ng isang jeep sa Ramon Magsaysay Boulevard na sakop ng Barangay 634 kung saan naroon na pala ang holdaper habang pinaliligiran ng mga pulis ang sasakyan.
Ilang saglit pa, isang pulis na may riot shield ang lumapit sa bintana ng jeep at sinundot ang suspek, na sinabayan ng pagbatuta ng isa pang pulis.
Isa pang pulis ang nakaabang sa tapat ng pintuan ng jeep at tinututukan ng baril ang holdaper.
Sa kabila ng dami ng mga nakapalibot na pulis, nakalabas pa rin ang suspek sa sasakyan.
Dito na pinaputukan ng mga pulis ang suspek.
Hindi na nakunan ang mga sumunod na insidente sa video ngunit sinabi ng Manila Police District na nahuli na ang suspek, na kasalukuyang nasa ospital matapos magtamo ng tama ng bala sa binti.
Base sa salaysay ng driver ng jeep na tumangging magpakilala, mag-5 p.m. ng Biyernes nang biglang sumakay sa jeep ang suspek.
“Noong una, kaii-stop lang po namin dito sa may J.P. Rizal. Tapos sinaktuhan niya ng pag-go, alam mo ‘yung akto na bigla siyang sumabit. Pagkasabit niya sa jeep, dumiretso siya sa akin, sa may leeg ko po na may patalim siya. Sabi niya ‘Pre holdap ‘to, dumiretso ka lang,'” sabi ng ng jeepney driver.
May limang pasahero noon ang jeep, kabilang ang mga matanda at bata.
“Naawa rin po ako, nag-iiyakan na sila sa estribo ko, sa akin lang siya nakatutok. Sabi niya, ‘idiretso mo, idiretso mo.’ Sabi ko ‘Sige kuya okay lang, ididiretso ko lang, ibibigay ko ‘yung gusto mo, huwag mo lang kaming saktan,'” sabi ng jeepney driver.
Dalawang dekada nang nagmamaneho ng jeep ang biktima kaya kabisado na niya ang kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard at nang ma-holdap, hindi siya nataranta at alam ang gagawin.