Iniulat ng Department of Migrant Workers na nakapagbigay na umano ang pamahalaan ng P3.85 milyon na tulong pinansyal sa mga overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho sa New Zealand matapos magsara ang isang construction company.
Ayon kay DMW Undersecretary for policy and international cooperation Patricia Yvonne Caunan na 107 OFWs ang nakatanggap ng 1,050 New Zealand dollars o P36,000 bawat isa.
Dagdag niya, 72 pang manggagawa ang nakatakdang makatanggap ng parehong halaga sa mga darating na araw at pinoproseso pa rin ang tulong pinansyal para sa 345 pang Pilipino.
Sinabi pa ng opisyal na 14 pang Pinoy na nagbakasyon sa Pilipinas noong panahon ng Yuletide ay makatatanggap din ng tulong pinansyal habang nasa 100 na manggagawang Pilipino ng kumpanya na residente ng New Zealand ang tinutulungan ng Department of Foreign Affairs.
Bukod sa tulong pinansyal, sinabi ni Caunan, ang mahalaga ay matulungan ang mga OFW na makahanap ng bagong trabaho sa New Zealand.
Samantala, papalakasin ng DMW at Anti-Money Laundering Council ang kanilang partnership para usigin ang mga traffickers at illegal recruiters.
Kamakailan ay nilagdaan ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac at AMLC Executive Director Matthew David ang isang kasunduan hinggil sa kanilang pagtutulongan para imbestigahan, habulin at kumpiskahin ang mga assets ng mga traffickers.
Ang hakbang na ito ay para umano ma protektahan ang mga migrant workers. Kasabay nito, nananawagan ang DMW sa mga biktimang Overseas Filipino Workers na may kaugnayan sa pananalapi na humingi ng tulong mula sa DMW Migrant Workers Protection Bureau.