Isang construction worker ang nalunod umano sa Ilog Pasig matapos nitong maligo sa bahagi ng Binondo sa Maynila.
Kinilala ang biktima na si Jonathan Pava at ayon sa mga paunang imbestigasyon, nasa tabi lamang ng ilog ang barracks nina Pava at kaniyang mga kasamahan at nag-iinuman sila nang magyaya ang biktima na maligo sa ilog.
“Ang sabi niya po gusto niya pong sumisid diyan, gusto niyang lumangoy. Sabi ko ‘Insan, huwag mo nang pilitin ‘yung sarili mo riyan kasi malulunod ka lang diyan.’ Kaya hindi kami sasama riyan,” sabi ni Rogyn Peñano, pinsan at katrabaho ng nalunod na si Pava.
Ayon pa kay Peñano, nagalit at nagwala pa si Pava nang pigilan siya ng kanilang mga kasamahan.
“Talagang nagpumiglas po siya na ‘Hindi, ako na lang.’ Maya-maya sabi niya ‘Huwag kang sumunod ah.’ Sinakal niya po ako. Maya-maya tumalon siya,” sabi ni Peñano.
Tumagal ng nasa 30 minuto ang paglangoy-langoy ng biktima, at nakita pa ng mga kasamahan na nag-floating at inaangat ang kaniyang ulo.
Maya-maya pa, napunta ang biktima sa gitnang bahagi ng ilog ngunit hindi na siya muling nakita.
Doon na nagtalunan ang kaniyang pinsan at iba pang katrabaho para sagipin siya.
Tumugon na ang Philippine Coast Guard at Manila DRRMO, ngunit naging pahirapan ang search and rescue operations ng mga diver ng PCG at pagkaraan ng isang oras, nakuha si Pava na bangkay na.