Sa digmaan, ang mga nadakip na sumukong sundalo ng kalaban ay ipinagpapalit sa mga ka-tropang bihag ng kabilang panig. Ginagawa ito ng Russia at Ukraine na nasa halos ikalawang taon na ng digmaan.
Kamakailan ay mahigit 200 bihag na sundalong Ukrainian ang pinakawalan ng Russia kapalit ng pagpapalaya sa mga bihag na sundalong Ruso.
Nitong Nobyembre ay nagpakawala naman ang teroristang grupong Hamas ng 60 taong dinukot nila sa Israel noong Oktubre 7 kapalit ng 180 Palestino na nakakulong sa Israel.
Mga 240 tao ang dinukot ng mga terorista at may mga natitira pang mga bihag na sundalong Israeli ang nasa mga lungga ng Hamas sa ilalim ng lupa sa Gaza. Ipinagpapalit ng Hamas ang mga natitirang bihag, kasama ang mga bangkay ng mga namatay na bihag, sa lahat ng mga bilanggong Palestino sa Israel ngunit hindi payag ang huli sa alok.
Ang Amerika ay nakipagpalitan naman ng bilanggo sa Rusya at Venezuela. Noong Disyembre 2022, ang kilalang mangangalakal ng armas na si Viktor Bout ay pinalaya ng Estados Unidos kapalit ng pagpapalaya sa basketbolistang si Whitney Griner na nakulong sa Rusya dahil sa droga.
Nitong Disyembre naman ay pinalaya ng Estados Unidos ang Venezuelan na si Alex Saab kapalit ng 10 Amerikanong nakapiit sa nasabing bansa, isang pugante at 20 Venezuelan na nabilanggo dahil sa pulitika.
Sa panig naman ng Pilipinas, maaari ring makipag prisoner swap ito sa Indonesia. Nang bumisita kamakailan ang pangulo ng Indonesia, si Joko Widodo, kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lumutang ang mga magulang ni Mary Jane Veloso, ang Pilipinang 10 taon nang nakabilanggo sa Indonesia dahil nahulihan siya ng ilegal na droga sa kanyang bagahe nang lumapag siya sa
Jakarta noong 2010.
Nagsusumamong hiniling ng ina ni Veloso kay Pangulong Widodo na patawarin na lamang at pauwiin na ang kanyang anak bilang regalo sa kanyang ika-39 kaarawan noong Enero 10.
Siguro naman ay nabayaran na ni Veloso ang kanyang kasalanan sa Indonesia. Isa pa, hindi naman siya umano drug dealer at ginawa lamang siyang tagahatid ng droga nang hindi niya alam.
Kung hindi man siya payagan ng batas ng Indonesia na makalaya, maari sigurong ipagpalit na lamang siya sa isang taga-Indonesia na nakakulong sa Pilipinas.