Hindi pinagtagal ng Biñan ang panahon para muling sumosyo sa liderato sa Nueva Ecija matapos gapiin ng Tatak Gel ang Kyusi Pablo Escobets, 92-54, sa PSL President’s Cup kamakailan lamang sa Filoil-EcoOil Centre sa San Juan.
Bumandera para sa Tatak Gel ang beteranong player na si KG Canaleta, na tumipa ng 15 puntos para pamunuan ang balanseng opensa ng team na hinahawakan ni multi-titled coach Boyet Fernandez at tulungan ang Biñan na maitala ang kanilang walong sunod na panalo.
Wala pa ring bahid ang record ng Biñan na muling sinamahan ang Nueva Ecija sa taas ng standings.
Sina Joseph Peñaredondo, Kenny Rocacurva at Jimboy Estrada ay kapwa nagtala ng tig-10 puntos para sa Tatak Gel, na nakakuha rin ng solidong laro mula kay many-time PBA All-Defensive Team member Marc Pingris.
May apat na puntos lang na naiambag si Pingris, pero namuno sa pagkolekta ng rebounds ang tinaghuriang Pinoy Sakuragi na sumikwat ng 15 rebounds.
Dahil dito, mas maraming rebounds na nakolekta ang Tatak Gel kumpara sa kanilang kalaban, 53-39.
May 42 puntos rin na nakuha ang Biñan, mas marami ng 22 kontra sa kanilang karibal.
Nagawa ring makapanalo ng 1Munti sa isang mahigpitang laban kontra Alpha Omega, 87-81.
Bumida si John Cantimbuhan na nagtala ng 27 puntos bukod sa naiambag na pitong assists.