Inihayag ng Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules na muli nitong iaapela kay Indonesian President Joko Widodo na mabigyan ng clemency ang overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso na naaresto noong 2010 dahil sa pag-iingat ng iligal na droga.
Si Widodo ay kasalukuyang nasa bansa ngayon para sa isang state visit at ayon kay DFA Secretary Enrique Manalo, nakipagpulong na siya kay Indonesian foreign secretary Retno Marsudi para mabilis na resolbahin ang kaso.
Hiniling nito na dapat ay agad na mabigyan ng clemency si Veloso.
Kung matatandaan, noong 2015 ay hindi nailigtas si Veloso sa bitay matapos na maaresto ang babae na nag-recruit sa kaniya at huling humirit sila ng clemency para kay Veloso ay noon pang 2022.
Samantala, umapela rin ang pamilya ni Veloso kay Widodo at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mabigyan ng clemency ang OFW.
Nagpadala ng sulat ang pamilya ni Veloso para kay Widodo at kay Marcos nitong Miyerkules rin sa Malakanyang.
“Kagalang galang na Pangulong Widodo, ako po si Celia Veloso, ina ni Mary Jane Velso, nagmamakaawa at nakikiusap na sana tulungan po ninyong makalaya ang aking anak na labing apat na taon na po na naghirap at nagdusa na walang kasalanan,” saad ng sulat na para kay Widodo.
“Sana maunawaan ninyo ako bilang magulang… Sana palayain na po ninyo alang alang sa dalawang anak ni Mary Jane,” dagdag nito.
Ayon kay Migrante Philippines chairperson Arman Hernando, pinayagan umano ng Presidential Security Group ang legal counsel ng pamilya Veloso na pumasok sa Malakanyang upang maipaabot ang sulat.
“Pinayagan ng PSG makapasok si Atty. Kathy Panguban ng National Union of Peoples’ Lawyers para ipadala ang letter,” saad ni Hernando.