Aminado ang aktres na si Kazel Kinouchi na naapektuhan talaga siya nang pagbintangan siyang third party sa hiwalayang Richard Gutierrez at Sarah Lahbati.
Ayon sa dalaga, kahit noong una ay pinagtatawanan niya ang rumors, noong tumagal raw ay nag-alala na rin siya dahil marami na ang naniniwala sa mga fake news sa social media.
Ayon sa aktres na napapanood sa hit Kapuso afternoon series na “Abot-Kamay Na Pangarap”, wala talaga siyang idea kung bakit sa dami ng artista ay siya pa ang itinurong dahilan ng hiwalayan ng mag-asawang Richard at Sarah.
Sa panayam ng “Sarap, ‘Di Ba?” host na si Carmina Villarroel, natanong niya si Kazel ng, “Ano ang naramdaman mo noong nadawit ‘yung pangalan mo sa breakup ng isang couple?”
Walang binanggit na mga pangalan si Carmina pero knows naman ng lahat kung sinong celebrity couple ang tinutukoy niya sa Trip to the Hotseat segment ng kanilang programa.
“Noong una, nakakatawa, kasi wala talagang katotohanan. Nakakatawa pero siyempre kapag medyo tumagal-tagal na, ang dami nang nambubulabog sa akin. Wala naman akong kasalanan,” sabi ni Kazel.
“It was saddening, but at the same time, naisip ko ‘yun nga na laging sinasabi, the truth will always come out. Ito rin ang lagi kong sinasabi, it will always come out,” dagdag niya.
“Confident lang ako. I am at peace with that at saka as long as I am not doing anything against anyone, God is with me,” sabi pa ng dalaga.