Nakaburol na sa barangay hall ng Barangay Bahay Toro ang construction worker na namatay matapos gumuho ang itinatayo nilang bahay sa nasabing lugar noong Sabado ng madaling araw.
Ang biktima – na kinilalang si Eleazar Dela Cruz na may tatlong anak – ay nasawi nang gumuho ang bahay na kanilang ginagawa sa lugar.
Ayon sa asawa ng biktima, nakausap akausap niya pa ang asawa ilang minuto bago mangyari ang insidente. Nakatira lang kasi sila ilang kanto mula sa gumuhong bahay.
Kwento ni Trinidad, isa ang kaniyang asawa sa mga construction worker na nagtatayo ng nasabing bahay.
“Iyong gabi na iyon, naglalaba ako noon. Umakyat sya sabi niya pagod na siya. Nagbubuhos sila ng bahay. Ginagawang bahay buo. Sabi ko, kung pagod kana itigil mo na puwede naman bukas iyon. Sabi niya hindi tatapusin ko nalang sandali nalang iyon. Pagtapos ko maglaba sabay na tayo matulog sabi ko sa kanya. Sabi niya sige hintayin mo ko. Ilang minuto lang, kinse minutos o bente minutos biglang namatay kuryente namin tapos may bumagsak sobrang lakas yumanig eh buong paligid yumanig,” saad ng asawa ng biktima.
Dagdag pa niya, tumagal ng ilang oras bago natagpuan ang bangkay ng kaniyang asawa.
“Sobrang hirap kasi ilang oras na pala siya nakalubog sa tubig, hindi ko alam ano gagawin ko. Kaya nung nakita na siya at inakyat na siya na nakablack bag hindi ko man siya makita hindi ko kayang tanggapin,” dagdag nito.
Magugunitang limang construction worker ang nasa site nang gumuho ang bahay. Nakaligtas ang apat sa kanila at patuloy naman ang imbestigasyon ng pulis hinggil sa insidente.