Inamin ng beauty queen-actress na si Herlene Budol na talagang babawi siya ngayong taon matapos ang isang roller coaster ride noong 2023 dahil sa dami ng mga nangyari at giit niya, kahit marami siyang naranasan ay hindi pa rin siya susuko sa mundo ng showbiz.
Ang pangako pa nga niya sa kanyang sarili ngayong 2024 ay mas galingan pa sa buhay at sa kanyang karera.
“Sa 2023 ko, siguro isa sa mga natutunan ko, hindi araw-araw Pasko,” sabi ni Herlene. “Kailangan talagang may thrill na talagang mapapasigaw ka, mapapamura ka with taas kamay.”
“Parang rides nga po sa roller coaster. Hindi palaging masaya, kailangang may takot at may kaba,” dagdag pa niya.
Aminado rin ng aktres na bagamat naapektuhan siya sa mga kinasangkutang isyu ay naiintindihan naman daw niya na may iba’t-ibang pananaw ang mga tao.
“Bugbog na bugbog na nga ako. Torture na torture na po talaga ako sa bashing. Pero paulit-ulit ko naman sinasabi na hindi mo naman talaga mapi-please lahat tsaka hindi lahat maiintindihan ka,” sabi ng dalaga.
“Kaya piliin mo nalang ‘yung mga taong nandyan para sayo palagi,” dagdag niya.
Sa huli, sinabi ni Herlene na mas lumakas ang kanyang loob at talaga namang naging matatag siya matapos ang mga nangyari sa kanya noong nakaraang taon.