Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na titiyakin nilang ipagpapatuloy ng Kamara – kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – ang mga programa na makatutulong upang mapabagal ang inflation rate at matiyak na abot kaya ang presyo ng pagkain.
Ang naging pahayag ng House Speaker ay may kaugnayan sa ulat Philippine Statistics Authority na bumagal ang inflation rate noong Disyembre 2023 na naitala sa 3.9 porsyento.
Kung matatandaan, naitala noong November 2023 ang inflation sa 4.1 percent habang nuong Oktubre ay nasa 4.9 percent.
Ayon kay Romualdez, ang pagbagal ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay patunay aniya na may positibong resulta ang mga hakbang na ipinatupad ng administrasyong Marcos bago mag-Pasko.
Dagdag pa niya, sinimulan ng bansa ang nakaraang taon na may 8.7 porsyentong inflation rate noong Enero na siyang pinakamataas sa loob ng 14 na taon, bunsod ng mataas na presyo ng pagkain at petrolyo.
Ayon pa sa House Speaker, ang 3.9 porsyentong naitala noong Disyembre ay pasok sa target ng pamahalaan na 2 hanggang 4 porsyentong inflation rate at siniguro niya na mananatiling nakatutok ang Kamara sa pagtataguyod ng mga programa, lalo na ang mga pinondohan sa 2024 national budget, na higit na magpapababa ng inflation rate sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga magsasaka at mangingisda, pagpapalago ng ekonomiya at pagtulong sa bulnerableng sektor.
Dagdag pa niya, ang pondo ngayong taon ay sapat para suportahan ang mga magsasaka sa kanilang binhi, abono, at iba pang kagamitan sa pagsasaka, irigasyon at iba pang tulong at mayroon na ring bilyong pisong pondo para sa mga mahihirap, near poor o yung hindi sapat ang kita at mga vulnerable sector.
Sa ilalim ng 2024 national budget nakapaloob din dito ang P500 bilyong na nakalaan para sa social amelioration program o ayuda para sa may 12 milyong mahihirap at low-income families na tinatayang katumbas ng 48 milyong Pilipino.