Hindi pinalampas ni Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda ang mga umano’y gumagamit ng kanyang pangalan at pagpapakalat ng video tungkol sa umano’y destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kaugnay nito, naghain na ng reklamo si Acorda laban sa indibidwal na sangkot umano sa paggamit ng kanyang pangalan at personal na nagtungo sa Quezon City Prosecutors Office ang PNP chief para magsampa ng reklamo nitong Lunes.
Ayon kay PNP Public Information Office Acting Chief Col. Jean Fajardo, isang lalaki na dating miyembro umano ng Armed Forces of the Philippines ang sinampahan ng reklamong paglabag sa cybercrime law.
Dagdag pa niya, nagpadala na sila ng official communication sa Facebook at YouTube para ma-preserve at magamit ang pinost na video bilang ebidensya habang iginiit ng PNP na patuloy nitong minomonitor ang umano’y destabilisasyon laban sa administrasyon.
Iginiit diin ni Fajardo na nirerespeto nila ang freedom of speech at freedom of expression pero dapat tandaan ng iba na dapat ay wala rin aniyang tinatapakan na karapatan ng iba.
Nanawagan ang PNP na huwag magpakalat ng kasinungalingan at maling impormasyon.
Tiniyak naman ng PNP sa publiko na nananatiling buo ang hanay ng pulisya sa pagtupad ng kanilang mandato para matiyak ang seguridad at para magbigay ng serbiyo publiko.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Acorda sa pagdawit sa kaniyang pangalan sa umano’y destabilization plot laban sa Pangulo.
Sa unang flag raising ceremony ngayong 2024 sa Camp Crame, iginiit ni Acorda na ang pagpapakalat aniya ng ganitong maling impormasyon ay “unforgivable” at hindi nila kinukunsinti ang ganitong maling gawain.
“It hurts me that there are people na gusto lang maging sikat yung kanilang vlog ay gagawa ng mga disinformation. No less than my face, the face of the CSAFP (Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines) posted on [the] viral and saying the AFP and the PNP withdrawing support or asking the resignation of the President,” sabi ni Acorda.
“It’s unforgivable. Hindi po tama yun… We try to promote investments and tourism pero dahil lang sa mga ito, sa pansarili nagki-icreate na hindi magandang imahe sa ating bayan. We don’t tolerate these things and the people are counting on us,” dagdag niya.
Kung matatandaan, may kumalat na video sa social media nitong nakaraang linggo na nagsasabing mayroon umanong destabilization plot laban kay Marcos at dinawit ang pangalan nina Acorda at AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr.