Naglunsad ng imbestigasyon ang pamahalaang Mehiko sa pagkamatay ng limang tao dahil sa pagsabog na likha umano ng drone.
Hinala ng mga tagausig ng estado ng Guerrero na nagkaroon ng kumprontasyon ang mga sindikato ng La Familia Michoacana at Los Tlacos, na parehong gustong makontrol ang lugar, kaya nauwi sa pagsabog na pumatay ng 30 tao sa bayan ng Buenavista sa munisipyo ng Heliodoro Castillo.
Inulat ng organisasyong pangkarapatang pantao na Minerva Bello na nangyari ang drone attack nitong Biyernes.
Ayon sa mga tagausig na humahawak sa kaso, nakita pa ang mga sunog na bangkay ng mga nasawi sa loob ng pinasabog na kotse.
Kinumpirma ito ng direktor ng Minerva Bello, ang paring si Filiberto Velazquez, nitong Sabado. Sinabi niyang may mga sunog na buto at bungo ng limang tao sa loob ng kotse.
Ang mga bangkay ay kinuha umano ng mga residente ng katabing probinsya at sunog na kotse na lamang ang nakita ng mga imbestigador pagdating nila sa Buenavista.
Mayroong anim na nakaligtas sa atake at ang iba pa ay hindi alam kung nasaan, ayon sa pari.
Gayunpaman, walang naiulat na nawawala sa lugar.