Isang 90-anyos na babae ang nakuhang buhay ng mga tagasaklolo sa ilalim ng gumuhong bahay sa Japan matapos maiipit roon ng limang araw.
Nailigtas ang lola sa siyudad ng Suzu na nagtamo ng pinakamatinding pinsala sa lindol na yumanig sa lugar noong Bagong Taon.
Nakipag-usap pa ang matanda sa kanyang mga tagasaklolo habang hinahatid sa ospital, ayon sa ulat ng NHK.
Sinabi ng pulis sa Tokyo na mga pulis ng siyudad at ng Fukuoka ang nagligtas sa lola.
Samantala, umabot na sa 128 ang bilang ng mga nasawi sa lindol na may magnitude 7.5. Inaasahang tataas pa ito dahil mayroong pang 195 katao ang nawawala.
Ang paghahanap ng mga survivor at labi ay naaantala dahil sa malamig na ulan at snow kahapon.
Ang malakas na lindol ay nagdulot ng pagguho ng mga gusali at bahay, 1,000 pagguho ng lupa, sunog at tsunami na isang metro ang taas sa isla ng Honshu.
Mahigit 30,000 nagsilikas na mamamayan ang tumutuloy muna sa 366 na silungan matapos ang lindol, at 20,000 naman ang walang kuryente at mahigit 66,400 ang walang tubig sa rehiyong Ishikawa.