Tapos na ang role ng aktres na si Lovi Poe sa teleseryeng “FPJ’s Batang Quiapo” nang winakasan na ang karakter niya bilang si “Mokang” nitong Huwebes.
Sa laki ng pagkukulang ni Mokang kay Tanggol na lagi siyang ipinagtatanggol simula pa noong mga bata pa sila tanda ng malaking pagmamahal sa kanya ng kaibigan ay hindi niya ito natumbasan dahil mas inisip niya ang bilin ng magulang na huwag iibig sa binata dahil walang mangyayari sa buhay niya.
Huli nang maisip ni Mokang si Tanggol nang saktan siya ng asawang si Christopher de Leon bilang si Albert/Ramon at laging gulat niya ng makita sa mansion ang lalaking mahal pala niya kaya sumama siyang tumakas.
Kaya naman nang nakita niyang babarilin ni Irma Adlawan bilang si Olga si Tanggol ay siya ang sumalo sa balang dapat sana ay para sa lalaking mahal niya.
Sa sentido ang tama ng bala kay Mokang kaya malabong mabuhay na ito tulad ng mga nabasa naming komento ng netizens dahil hoping na buhay ang katambal ni Tanggol.
Pero wala na dahil ang mismong producer ng programa, ang Dreamscape Entertainment ay nagpasalamat na kay Lovi.
“Maraming salamat, @lovipoe sa pagbibigay-buhay kay Mokang. Malaki kang bahagi ng FPJ’s Batang Quiapo (emoji red heart). Paalam, Mokang #FPJsBatangQuiapo #FPJBQMokang #LoviPoe.”
At nag-post din ng pasasalamat ang aktres sa lahat ng nakatrabaho niya sa Batang Quiapo na naging parte siya rito bilang alaala sa magandang programang ito, lalo na kay Dreamscape Entertainment head, Deo T. Endrinal at Ms Cory Vidanes, ABS-CBN Chief Operating Officer at sa Kapamilya network.
Hindi rin nakalimutan ni Lovi ang supporters niya.
“At sa mga nagmamahal kay Mokang, sobrang mahal ko din kayo. Maraming-maraming salamat poe. Inyong tropa, Mokang…now signing off,” saad ni Lovi.