Inaresto ng mga tauhan ng Plaza Miranda Police Precinct ang isang lalaki matapos umano nitong magbiro na may kaugnayan sa bomba o “bomb joke” sa gitna nang isinasagawang Banal na Misa sa Quiapo nitong Biyernes.
Hindi na iprinisinta ng mga otoridad ang nahuling suspek at dinala agad sa hospital ang lalaki para sa medical bago ilipat sa Tayuman Police Station.
Libo-libong deboto ang dagsa na sa Quiapo Church sa Maynila para dumalo sa misa ngayong unang Biyernes ng taon.
Ayon sa pinakahuling tala ng Plaza Miranda PCP bandang alas-siyete ng umaga, nasa 13,388 na ang mga pumunta sa simbahan para sa unang tatlong misa ngayong umaga.
Marami sa mga deboto ang pumuwesto na sa gilid ng simbahan sa may Quezon Boulevard para dun na magsimba, habang may ilan ang tinyaga ang mahabang pila sa may Villalobos entrance para makapasok sa loob.
Ayon sa mga Hijos Del Nazareno na nakabantay, pinapayagan nila ang 1000 indibidwal sa loob ng simbahan at 1000 sa may Plaza Miranda.
Nasa mahigit 100 Hijos Del Nazareno din ang nagbabantay ngayon sa loob at paligid ng Quiapo Church.
Inaasahan ng mga otoridad ang patuloy na pagdagsa ng mga magsisimba sa lugar hanggang mamayang hapon.