Ipagbabawal ng mga otoridad ang mga alak, paputok, at armas sa paligid ng Quiapo para sa seguridad ng publiko sa ikakasang Traslacion sa Enero 9.
“Magkakaroon po tayo ng liquor ban at saka firecracker ban sa vicinity po ng Quiapo… Gun ban din po, kasama po iyan lahat,” saad ni Manila Mayor Honey Lacuna sa isang press conference para sa paparating na selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno.
Kaugnay nito, sinabi ni Lacuna na plano ng kanilang pamahalaan na isuspinde ang klase at trabaho sa araw ng Traslacion, ngunit inaantabayanan pa raw nila ang komento ni Executive Secretary Lucas Bersamin patungkol dito.
Sinabi rin ng Manila Police District chief Police Col. Arnold Thomas Ibay na ipagbabawal din nila ang pagpapalipad at paggamit ng drone habang isinasagawa ang prosesyon.
“We would like to emphasize iyong mga pinagbabawal po. Mayroon po tayong i-implement na gun ban, no fly zone, no sail zone, at saka iyong mga drones po natin,” sabi ni Ibay.
Una nang pinagbawalan ng mga organizer ng Traslacion ang mga deboto na umakyat sa andas o karwahe upang maiwasan ang pagharang sa imahe ng Itim na Nazareno.
Ngayon taon, may salamin na kasi ang andas ng imahe upang mapanatiling ang Itim na Nazareno lang ang nakikita sa ibabaw ng karwahe.
“Merong 8 hijos sa ibabaw ng andas pero hindi sila nasa loob ng salamin kundi nasa labas ng salamin at halos ulo lamang nila ang kita dun sa ibabaw ng andas para higit pa ring makita ang imahen ng Nazareno lalo na yung nasa malalayong lugar at nasa kanilang mga tahanan yung imahen ng Nazareno,” wka ni Fr. Hans Magdurulang, tagapagsalita ng Nazareno 2024.