May resolusyon na ba kayo sa Bagong Taon? Kung mayroon, mapangangatawanan o tutuparin ba ninyo ito?
Karaniwang resolusyon ang mag-ehersisyo nang regular at mag-diyeta upang gumaan ang timbang at maging madanda ang pangangatawan.
Resolusyon rin ang huminto sa mga bisyo tulad ng pagsusugal, paninigarilyo, paglalasing at pagdodroga.
May mga nais maging maayos at malinis ang sariling kwarto, makatulong sa mga gawaing bahay. Mayroong nais maging relihiyoso, maging mabuting tao at mawalan ng masamang pag-uugali.
May gustong magkatrabaho o magbago ng trabaho. May gustong mangibangbayan, mag-asawa, maging mas magaling sa napiling larangan o magkaroon ng bagong pagkakaabalahan.
Ngunit dahil likas sa ugaling Pilipino ang ningas-kugon, sa simula lang ang sigasig at sipag upang tuparin ang resolusyon. Unti-unting tatamarin hanggang sa hindi na gagawin at malimutan na ang panata.
Sadyang mahirap tuparin ang resolusyon para sa nakararami dahil sa kawalan ng disiplina. Halimbawa na lamang sa pag-eehersisyo ng madalas, kung pagod rin sa trabaho ay wala sa kondisyon ang katawan upang mag-workout sa gym o maglaro ng sports nang madalas.
Kung tutuusin, hindi naman kailangan ng bawat isa na magkaroon ng resolusyon. Mas maigi na lamang na gumawa ng mga bagay-bagay sa katamtamang dami o moderasyon.
Ang sobra o kakulangan sa kahit ano ay parehong hindi mabuti sa tao. Tataba ang may maraming kinakain o papayat ang hindi kumakain. Gagaling sa pagtatanghal ang isang mang-aawit na nagbibigay ng oras sa pagpapahinga tuwing magsasanay, samantalang pagod ang katawan kung sobra-sobra ang praktis.
Sa pagpapapayat, epektibo ang katamtamang pagkain kaysa hindi kumain ng isa o dalawang sunod na araw. Ito’y maaaring magdudulot ng panghihina o pinsala sa katawan.
Sa mga nagbabalak mag resolusyon ngayong 2024, kung sa pakiwari ninyo’y uulitin lamang ninyo ang resolusyon para sa 2023 dahil hindi ninyo ito natupad, mas maiging mag moderasyon na lamang kayo at baka mas madali ninyong matutupad ang gusto ninyong mangyari sa sarili ngayong taon.