Ilang turista ang nadismaya nang bumisita sa Binmaley beach sa Pangasinan ngayong panahon ng Kapaskuhan dahil sa nagkulay-putik na marumi ang dagat.
Batay sa mga ulat, nangamba ang ilang naliligo sa beach na baka may masamang epekto sa balat ang kakaibang kulay ng dagat habang inakala rin ng ibang naliligo na baka mayroong langis na tumagas sa lugar.
Itinanggi naman ng Binmaley Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at maging ng Philippine Coast Guard District North Western Luzon, na oil spill ang dahilan ng pagbabago ng kulay ng dagat.
Ayon sa Binmaley MRRMO, normal na raw sa baybayin ang nararanasan na kulay putik na dagat kapag malakas ang alon.
Pero wala naman daw dapat ipangamba ang mga maliligo sa beach, maging ang mga mangingisda.