Isang tansong istatwa ni Shakira ang iniregalo sa kanya ng kanyang hometown sa Barranquilla, Colombia.
Ang lokasyon ng naturang rebulto ay matatagpuan sa lugar kung saan sinimulan niya ang tatak niyang dance move na pag-alog ng balakang sa mesa ng isang Lebanese restaurant sa edad na apat.
Ang istatwa ay may taas na mahigit 21 talampakan (6.5mmetro). Hinango ang porma ng rebulto sa katawan ni Shakira habang ikinekembot ang kanyang balakang na prominente niyang dance move sa 2005 hit song niyang Hips Don’t Lie.
“I am very excited for this tribute to the Colombian women and the Barranquilleras inside and outside my land!” caption ni Shakira sa kanyang Instagram post sa wikang Espanol.
Makikita rin sa isa niyang post ang litrato ng mga magulang niya na nakatayo sa harap ng istatwa.
Nakasaad sa isang plake sa paanan ng rebulto ang pagkilala sa singer para sa kanyang natatanging talento at boses na nagpapakilos ng masa.
Kinilala din siya para sa kanyang charity work sa pamamagitan ng kanyang foundation na tinatawag na “Pies descalzos”, “bare feet” sa Ingles, na nagtataguyod ng early childhood development.
Nito lamang Nobyembre nang nagbayad ang 46 anyos na singer ng 7.3 milyong euro, o mahigit 440 milyong piso, na buwis para sa kinita niya noong 2012 hanggang 2014 upang hindi na mauwi sa paglilitis ang kaso niyang tax fraud.
Ayon sa ulat, ang binayarang halaga ay kalahati ng hindi niya umanong binayarang buwis sa nasabing mga taon.
Bukod dito, nagbayad din siya ng 6.6 milyong euro na buwis, o halos 400 milyong piso, sa isang korte para sa kasong isinampa sa kanya ng pamahalaang Espanya nitong Hulyo dahil umano sa hindi pagbabayad ng buwis noong 2018.
May dalawa siyang anak na sina Sasha, 7, at Milan, 9, sa asawa niyang FC Barcelona star na si Gerard Pique.
Hunyo nang kupirmahin niyang hiwalay na sila.