Isang empleyado ng Ninoy Aquino International Airport ang iniimbestigahan ngayon ng Bureau of Immigration at Manila International Airport Authority matapos umanong tangkaing magpuslit ng dalawang biktima ng human trafficking sa NAIA Terminal 3 noong December 22.
Base sa mga ulat, palipad na sana ang dalawang biktima papuntang Dubai, at dadaan muna ng Thailand, nang isalang sila sa secondary inspection ng Bureau of Immigration.
Unang sinabi umano ng mga biktima na magkaibigan silang nagbabakasyon galing General Santos City pero nasita sila ng mga immigration officer dahil wala silang return ticket at hindi nila alam ang pangalan ng isat isa.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, ikinumpisal ng dalawang biktima na narecruit sila sa Facebook at inalukan ng trabaho sa Dubai bilang domestic helper, pero hindi raw nila alam kung paano sila ihahatid sa employer.
Paliwanag ni Sandoval, isang empleyado ng airport ang nakitang nagmamasid sa dalawang biktima at ito umano ang nag-escort sa dalawang biktima papasok sa airport gamit ang kanyang access pass.
“Una po dinala sa diplomat lane ito pong mga passengers na ito when they were accosted by our immigration supervisor pumila sila sa regular counter at doon during their interviews nakita that there were something doubtful about the purpose of travel sa dalawang passengers. The escort remained sa area pinipilit manatili sa area at monitor status ng dalawang passengers na kanyang ina-assist,” sabi ni Sandoval.
Dagdag niya, naka-sibilyan na suot ang naturang airport employee at na-alarma sila sa paggamit ng kanyang ng access pass para palusutin umano ang mga biktima ng human trafficking.