May nahuli na namang Pinoy na peke ang mga papeles na ipinakita sa mga immigration officer na sumuri sa kanya habang tinatangkang sumakay sa eruplanong patungo sa Macau, China noong Disyembre 24.
Sinabi ng nahuling 25 anyos na lalaki na bibisitahin niya ang kanyang asawang nagtatrabaho sa Macau kaya siya paalis. Nang ipakita niya ang sertipiko sa kasal, nalaman ng mga taga-Bureau of Immigration na ito’y peke kaya hindi na siya pinatuntong ng eruplano.
Kalaunan ay umamin din ang lalaki na binili niya ang sertipiko sa Facebook sa halagang P1,500.
Sadyang naglipana ang sari-saring pekeng dokumento at malamang marami na ang nakalusot sa paggamit nito, tanda ng kahinaan ng mga kinauukulan sa pagsawata ng pamemeke at pagpapanggap ng mga tao.
Mahina rin ang mga otoridad sa paghahanap ng mga taong nasa likod ng pamemeke at ang paggamit ng pekeng dokumento sa pakikipagtransaksyon nila sa mga pampubliko at pribadong opisina.
May mas matindi pang operasyon kaysa sa pamemeke ng mga papeles at dokumento.
Inamin ng BI na may sindikato na nagbibigay ng pasaporte ng Pilipinas sa mga dayuhan.
Maraming dokumento ang hinihingi ng gobyerno upang makakuha ng pasaporte sa Department of Foreign Affairs. Ibinunyag ng tagapagsalita ng BI, si Dana Sandoval, na mga orihinal na postal ID, birth certificate, marriage certificate at national ID ang ginamit sa pagkuha ng pasaporte na nakumpiska sa mga dayuhan.
Kung paano nakukuha ng mga dayuhan ang mga ito ay malamang dahil sa may kakuntsaba sa loob ng ahensya ang mga naglalakad ng kanilang papeles.
Maaaring may tauhan ng PhilPost at Philippine Statistics Authority ang gumagawa ng mga sertipiko at ID para sa mga dayuhang nais magkaroon o bumili ng pasaporte.
Maaari ring may taga-DFA ang nagpalusot ng pasaporte para sa mga dayuhan.
Panahon na upang linisin ng mga nasabing ahensya ang kanilang ranggo dahil kung hindi ay darami pa ang mga dayuhang nagpapanggap na Pilipino.