Iniulat ng Department of Health nitong Miyerkules na patuloy na nadadagdagan ang mga nasusugatan dahil sa mga paputok ilang araw bago ang selebrasyon ng Bagong Taon sa bansa.
Ayon sa datos ng DoH, nadagdagan pa ng 23 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok mula December 26 hanggang December 27 at ang mga bagong biktima ng paputok ay edad 6 hanggang 55 taong gulang kung saan 20 dito ay kalalakihan at tatlong babae.
Dagdag pa ng ahensya, lahat umano ng mga bagong insidente ng fireworks-related injuries ay nangyari sa bahay o sa kalsada na karamihan ay dulot ng paggamit ng mga illegal fireworks.
Nadagdagan naman ng dalawang bagong kaso ng amputations kung saan ang mga biktima ay dalawang binatilyo matapos magpaputok ng pla-pla na nagresulta naman ng pagkaputol ng kanilang daliri.
Nilinaw naman ng Health department na isang napaulat na kaso ng amputation kahapon ay misreported kung kayat nasa apat lang ang kumpirmadong kaso ng amputations kahapon. Sa kabuuan, ang bilang ng amputations ngayong holiday season ay pumalo na sa anim.
Bunsod nito, umakyat na sa kabuuang 75 ang fireworks-related injuries sa buong Pilipinas ngayong taon kung saan anim mula sa bawat 10 biktima ng paputok ay mula sa NCR, Central Luzon at Ilocos Region.
Muli namang nagpaalala ang kagawaran na hindi laruan ang mga paputok at pinayuhan ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang makaiwas sa pinsalang dulot ng mga paputok.
Samantala, nagpaalala ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa pinaiiral na firecracker ban sa kanilang nasasakupan ilang araw bago ang pagsalubong ng Bagong taon.
Sa Muntinlupa, nagbabala ang pamahalaang lungsod sa publiko na sa ilalim ng City Ordinance 14-092 na ipinasa noong 2014, ipinagbabawal ang paggamit, paggawa, distribusyon at pagbebenta ng anumang paputok o pyrotechnic device sa lungsod para maprotektahan ang kapaligiran at kalusugan ng mga tao mula sa nakapipinsalang epekto ng mga paputok.
Pagmumultahin ng P1,000 o kulong ng 1 buwan subalit hindi bababa sa 2 araw o pareho para sa unang paglabag.
Sa ikalawang paglabag naman, maaaring makulong ng hindi hihigit sa 6 na buwan o hindi bababa sa 3 buwan o multa na P3,000 o pareho habang sa ikatlong paglabag, maaaring pamultahin ng P5,000 o kulong ng hindi hihigit sa 6 na buwan o hindi bababa sa 3 buwan.
Ipinagbabawal din ng LGU ang paggamit ng mufflers o pipes at iba pang devices na gumagawa ng malalakas na ingay sa ilalim ng City Ordinance 04-022.