Inanunsyo ng Department of Migrant Workers nitong Miyerkules na kasama ang mga overseas Filipino worker sa mga makikinabang sa minimum wage increases na ipatutupad ng Taiwan at Hong Kong.
Ayon sa DMW, iniutos na ng Taiwan Ministry of Labor ang 4.05 percent increase sa monthly minimum salary na mula NT$26,400 o P46,378.70 ay magiging NT$27,470 o P48,223.43 na epektibo sa Enero 1, 2024.
Dinagdagan din NT$7 ang minimum hourly wage kaya ang dating NT$168 o P295.14 ay magiging NT$183 o P321.48.
Ayon sa DMW, hanggang noong Oktubre, tinatayang 151,562 Pinoy ang nagtatrabaho sa Taiwan at sa nasabing bilang, 123,768 ang nagtatrabaho sa manufacturing sector at kabilang sa mga makikinabang sa nasabing wage hike.
Inihayag din ng DMW na tinatayang 17,721 Pinoy pa ang madagdagdag sa nasabing bilang sa pagtatapos ng 2023.
“We thank Taiwan’s Ministry of Labor and the Hong Kong Special Administrative Region Labor Department respectively for enacting wage legislation that recognizes the work of our OFWs and their contribution to the economic development of their host countries,” ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac.
Samantala, sinabi ng DMW na ang mga OFW na nagtatrabaho bilang foreign domestic helpers o household service workers sa Hong Kong ay makikinabang naman sa wage hike na ipinatupad ng Labor Department ng Hong Kong.
Mula sa dating HK$4,730 o P36,917.65 na minimum allowable wage, tataas ito ng HK$140, at magiging HK$4,870 o katumbas ng P38,010.35.
Dinagdagan din ng HK Labor Department ang allowable food allowance ng FDHs sa HK$1,236 o P9,649.98 mula sa dating rate na HK$1,196 o P9,334.78.
Saklaw ng wage increase ang mga FDH contract na pinirmahan na “on or after” September 30, 2023, ayon sa DMW.
Batay sa datos ng Migrant Workers Office sa Hongkong, sinabi ng DMW na hanggang nitong August 2023, mayroong 196,364 OFWs na nagtatrabahong HSWs o FDHs sa Hong Kong.
“MWO-HK estimates some 40,000 HSWs representing new hires and those with renewed contracts will directly benefit from the new wage legislation,” ayon sa kagawaran