Nakumpiska ng mga sundalo ng 56th Infantry Battalion ang ilang mga armas ng New People’s Army mula sa dati nitong balwarte sa Talaingod, Davao del Norte nitong Miyerkules.
Ayon kay 10th Infantry Division Public Affairs Officer Maj. Mark Anthony Tito, ang mga nakuhang armas ay nakalibing sa lupa at kinabibilangan ito ng dalawang M4 Assault Rifle kasama ang mga bala nito sa Sitio Nalubas, Barangay Palma Gil sa bayan.
Dagdag pa niya, isang dating miyembro ng NPA na nagbalik loob sa gobyerno ang nagturo sa kanila kung saan nakalibing ang mga malalakas na kalibre ng armas at mga bala.
Batay sa salaysay ng dating rebelde, ang mga armas ay inilibing nila dahil na rin sa kakulangan ng tao.
Resulta ito ng malaking bilang ng mga rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan at pagkakaaresto sa mga ito mula sa mga ikinasang operasyon ng mga tropa ng militar.