Opisyal nang kasama sa nakalubog na armadang Ruso sa Black Sea ang isang barkong pandigma nito na pinasabog ng hukbong panghimpapawid ng Ukraine nitong Martes, ayon kay Pangulong Volodymyr Zelensky.
Ito’y matapos aminin ng Kremlin na nasira ang Novocherkassk, isang landing ship, habang ito’y nakadaong sa Puerto ng Feodosia sa Crimea na sinakop ng Rusya noong 2014.
Si Defense Minister Sergei Shoigu ang nagbalita kay Pangulong Vladimir Putin ng Rusya sa pinsalang tinamo ng Novocherkassk, pahayag ng tagapagsalita ng pangulo sa isang press briefing sa Moscow.
Sa post nito sa X, sinabi ng defense ministry ng Ukraine na nasira ang nasabing barko at ayon sa kanilang air force, tinira nila ito ng cruise missiles alas 2:30 ng umaga.
Sa video ng umano’y atake na inilabas sa social media, may apoy sa isang Puerto na sinundan ng pagsabog at bolang apoy. May mga sumunod pang mga pagsabog.
May kargang mga explosive drones ang tinamaang barko na ginagamit sa pag-atake ng Rusya sa Ukraine, ayon sa militar ng Ukraine.
Sinabi ni Gobernador Sergei Aksyonov ng Crimea sa Telegram na isa ang namatay at dalawa ang nasaktan sa pagbomba ng Novocherkassk sa Feodosia.
May anim na gusali rin ang nasira nang mabasag ang mga bintana nito at inilikas ang mga residente roon, dagdag ni Aksyonov.