Kaisa kami ni Vice President Sara Duterte sa pagbibigay-pugay sa mga overseas Filipino workers at mga frontline worker na hindi kasama ang kanilang mga pamilya sa panahon ng Kapaskuhan dahil sa kanilang mga trabaho.
Kasi naman, hindi biro ang ginagawang sakripisyo ng ating mga kababayang OFW at mga frontliners upang mapagsilbihan ang bayan at makapagbigay ng maayos na buhay para sa kanilang mga pamilya.
Sa ginawang pahayag ni Duterte, sinabi niya na dahil sa kanilang mga sakripisyo ay nabubuhay at nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa.
“Kayo ang repleksyon ng progreso at talento na nag-aangat sa bandila ng Pilipinas saan mang panig ng mundo. Maraming salamat sa inyong lahat, ang mga bagong bayani ng ating bansa,” saad ng Bise Presidente.
“Ang lagi kong dasal na ang inyong mga pagsisikap ay masusuklian ng tagumpay upang ang inyong mga anak, pamilya, at sarili ay magkaroon ng maginhawang kinabukasan. Makakaasa kayo na ako ay nasa inyong likuran upang sumuporta sa inyong mga pangarap, pagsisikap, at sa inyong paglalakbay tungo sa magandang kinabukasan,” dagdag niya.
Kasama sa binigyang-pugay ni Duterte sa kaniyang pagbati ang mga frontliner katulad ng mga sundalo, pulis, bumbero at health workers, na hindi rin kasama ang kani-kanilang pamilya sa Pasko upang gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Dagdag niya, ang sakripisyo ng mga frontliner ay nagbibigay ng karangalan sa kani-kanilang pamilya.
“Ang inyong walang pag-iimbot na pangako at kahandaang magsakripisyo para sa Diyos, ating bansa, at inyong mga pamilya ay nagsisilbing tanglaw ng pag-asa at katatagan. Kayo ay sumisimbolo ng katapangan at pagkakawanggawa habang pinoprotektahan ninyo ang ating bansa,” sabi ni Duterte.
Kaya sa ating mga OFW at frontliners, mabuhay kayo!