Halos magkasabay ang Pasko at anibersaryo ng partido komunista ng Pilipinas. Pista ang Pasko kaya laging idinedeklara ng pamahalaan ang araw na isang holiday o walang pasok upang maipagdiwang ito ng mga Katoliko.
Samantala, taun-taon rin nagdideklara ng tigil-putukan ang partido bilang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo tuwing Disyembre.
Kung bakit halos itapat ni Jose Maria Sison ang pagbuo ng ngayong Communist Party of the Philippines noong Disyembre 26, 1968, nang siya ay aktibista pa lamang, ay kataka-taka dahil hindi naman makadiyos at makarelihiyon ang komunismo upang isabay sa banal na okasyon ng karamihang Pilipino.
Dalawang araw lang ang paggunita ng kaarawan o pagkakatatag ng grupong komunista ngayong taon, mula Disyembre 25 hanggang 26 o ngayong araw, ayon sa kanilang pahayag. Sa maikling panahon na ito, sinabi nilang hindi makikipaglaban o aatake ang hukbo nito, ang New People’s Army, sa mga sundalo at pulis.
Bagaman inaasahan na walang engkwentro o mamamatay sa panig ng mga NPA sa dalawang kapiranggot na araw na hindi nila pakikipagdigmaan, hindi ito tutumbasa ng parehong tagal ng tigil-putukan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Sa madaling salita, posible pa rin ang engkwentro ng dalawang panig.
Wala rin namang kasiguruhan na magiging tapat ang mga rebeldeng NPA sa kanilang pahayag.
Kung tutuusin, ang dadalawang araw na pakikipag-tigil-putukan ng NPA ay walang saysay kung pagkatapos naman ay itutuloy nila ang mga pag-atake at pagpatay ng mga sundalo at pulis.
Anumang pansamantalang tigil-putukan ay kaipokrituhan kung susundan ng pagpatay ng kapwa Pilipino. Ginagawa lamang ito para pampapogi points sa mga mapagkunwaring rebolusyonary upang masabing hindi sila masasamang tao. At hindi rin magbabago ang layunin ng CPP at NPA na pabagsakin ang gobyerno.
Tama lang na hindi na rin umasa ang military at kapulisan sa tigil-putukan dahil na rin sa wala nang mga kumander o lider ang mga natitirang mga rebelde na nakikipaglaban pa rin para sa kanilang ideyolohiya. Karamihan sa mga kasamahan nila ay nagsipagsuko na at nanumbalik na sa lipunan matapos nilang matanto na walang-kabuluhan ang kanilang pakikibaka.
Marahil mas maigi kung ang tigil-putukan na gagawin ng CPP at NPA ay gagawin nilang matagalan tulad halimbawa ng isang taon. Kapag ganoon, maipakikita ng mga komunista at rebelde na tunay nilang hangarin ang kapayapaan.