Isang lalaking kalalaya pa lamang umano mula sa kulungan ang siguradong babalik uli sa kalaboso matapos umano nitong pagnakawan at patayin ang isang isang mag-asawa sa Santo Tomas, Pampanga.
Base sa mga ulat, pamangkin umano ng mag-asawang kinilalang sina Rolando David at misis niyang si Rosario na residente ng Barangay San Vicente ang suspek na kinilalang si Raymond Fernando na naka-droga umano nang gawin ang krimen.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Santo Tomas Police Station chief Police Captain Jester Calis na tinangka ni Rolando na lumaban sa suspek pero sinaksak ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Samantala, pinatay naman sa pamamagitan ng sakal si Rosario.
“’Yung victim nating lalaki, allegedly nakipaglaban pa sa suspek. ‘Yung initial findings ng SOCO, namatay siya sa stab wounds. ‘Yung babae naman sa kuwarto, namatay siya sa strangulation,” ayon kay Calis.
May nawawala umanong mga gamit sa bahay ng mga biktima kabilang ang mga alahas.
Naging suspek sa krimen si Fernando na kalalaya lang sa kulungan dahil sa kasong ilegal na droga, at may nakapagbigay ng impormasyon na dati nang nanakawan ang mag-asawa.
Nang puntahan nila ang suspek, sinabi ni Calis na may nakitang mga alahas at pera na dala nito.
“Pinuntahan namin ‘yun, pinataas namin ‘yung damit niya kasi may nakaumbok doon sa may tagiliran niya, [tapos] nakita naming may pera at alahas. ‘Yun, nagduda na kami na ‘yung alahas na ‘yon ay sa victim,” sabi ni Calis.
Ayon sa pulisya, sinabi umano ng suspek na idinahilan nito na kailangan niya ng pera.