Nagsisimula nang dumagsa ang mga pasahero sa Batangas Port tatlong araw bago ang Pasko at sa tala ng Philippine Ports Authority-Batangas, nasa 11,000 na ang bilang ng mga pasahero hanggang Biyernes ng tanghali.
Mahaba ang pila sa ticketing booth ng mga pasahero na patungong Calapan City pero ang mga biyaheng Caticlan ay fully-booked na, pero marami pa rin ang walk-in passengers na pumipila para bumili ng ticket na nagbabakasakaling maging chance passengers.
Sa labas ng Batangas Passenger Terminal ay naglagay na ang PPA-Batangas ng mga upuan at tent para doon muna manatili ang mga pasahero habang hinihintay na makapasok upang bumili ng ticket.
Bagama’t buhos na ang mga pasahero sa Batangas port ay marami pa naming upuan sa departure area dahil binuksan na pansamantala ang bagong bahagi nito na kayang mag-accommodate ng karagdagang 2,000 na mga pasahero.
Maaga rin humaba ang pila ng mga sasakyan papasok ng Batanags Port na sasakay ng barko.
Pinag-iingat ng port managament ang mga biyahero laban sa mga fixer na nag-aalok na maisisingit agad sa pila kapalit ng malaking halaga.
Muli ring ipinapaalala ng Batangas Port Management sa mga pasahero na iwasan na ang magdala ng mga ham at iba pang pork products dahil mahigpit itong ipinagbabawal na ibiyahe patungo sa Mindoro dahil sa African swine fever.
Inaasahan na sa Linggo ay mas marami pa ang mga pasahero na dadagsa sa Batangas Port.