Pinaghuhuli ng mga operatiba ng Land Transportation Office ang ilang taxi driver na nangongontrata at tumatangging magsakay ng mga pasahero ngayong Christmas rush.
Base sa mga ulat, nasa 10 taxi agad ang hinuli ng ahensiya nang wala pang isang oras sa North EDSA Miyerkoles ng gabi sa gitna ng rush hour habang hinuli rin ang ilang mga nag-aalok ng habal-habal.
Sinabi ng LTO na hihigpitan nito ang pagpaparusa sa mga driver na nang-aabuso ngayong holiday rush kung saan marami ang nangangailangan ng pampublikong transportasyon.
Pagmumultahin ang mga nangongontrata sa kanilang first offense, ngunit ii-impound ang motorsiklo ng mga napatunayang naghabal-habal.
Posibleng tanggalan ng lisensya at hindi na payagang magmaneho ang driver kapag nakita sa records ang patung-patong niyang violation.
Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na magsumbong sa kanilang 24/7 hotline kung may maengkuwentrong abusadong driver ng public transportation.
Higit sa 600 na ang natanggap na sumbong ng LTFRB, kung saan 32 ang sumbong sa overcharging.