Pasko na naman at may mga magpapaputok ng baril upang ipagdiwang ang okasyon. Ngunit bawal kalabitin ang gatilyo para lang sa ganitong layunin.
Batid ito ng kapulisan kaya ang pagsamsam nila sa 778 di-lisensyadong baril sa Calabarzon kamakailan ay malaking tulong upang mapangalagaan ang mga mamamayan laban sa ligaw na bala.
Masaklap na tamaan ng bala sa araw ng Pasko na maaaring ikasawi ng sinuman. Sa pagkumpiska ng 778 na kolorum na baril ng 182 may-ari nito, mababawasan ang pagkakataon na may mabaril at mapinsala nang walang katuturan. May mga nasawi na, ang ilan mga batang paslit pa naman, sa ligaw na bala na galing sa mga nagpaputok ng baril sa pagsasaya sa Pasko. Hindi na rin sila nabigyan ng katarungan dahil hindi nahanap ang salarin. Hindi dapat maulit ang mga ganitong trahedya, lalo na sa mga walang kamalay-malay na mga musmos.
Nagkaroon ng panahon na dahil nakaugalian ng mga pulis ang pagpapaputok ng baril tuwing kapaskuhan at Bagong Taon, ay tinatakpan ang kanilang mga baril ng tape upang hindi nila mapaputok. Kung ang tape ay nabutas o natanggal matapos ang kapaskuhan, sila ay mananagot sa paglabag sa tuntunin. Maaari silang matanggal sa serbisyo.
Itinigil na ang tradisyong ito ng kapulisan. Sa halip ay binabalaan na lamang sila na huwag magpaputok ng baril sa pakikipagkasiyahan.
May peligro ito kung pasaway ang pulis. Ngunit mas kailangan ang armas upang pumigil ng mga kriminal kaya hindi na binabalutan ang dulo ng baril ng pulis mula pa noong 2016, nang maging hepe ng Philippine National Police ang ngayong Senador Ronald dela Rosa.
Sa mga naglipana pang may-ari ng di-lisensyadong baril, maaari nilang gamitin ito sa krimen ngayon. Kung pagbabawalan ang mga pulis na gumamit o magpaputok ng baril, mahihirapan silang sawatain ang mga armadong kriminal. Kaya maigi na ring kayang magpaputok ng ating mga pulis laban sa mga masasamang loob.
Ipinag-utos na ng hepe ng PNP, si Gen. Benjamin Acorda Jr., na hindi bubusalan ang mga baril ng pulis ngayong panahon ng holiday, ayon sa tagapagsalita ng ahensya na si Col. Jean Fajardo.
Kasabay ng pahayag ay ang pagpapaalala sa mga pulis na huwag magpaputok ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa datos ng PNP, may 25 insidente ng ilegal na pagpapaputok ng baril noong 2021 na nakapinsala ng isang tao. Sa sumunod na taon, 26 naman ang ilegal na nagpaputok at 10 ang nasugatan dahil dito.
Samantala, 11 naman ang napinsala ng ligaw na bala noong 2021 at 12 naman noong 2022.
Ngayong may mga pulis na kayang magpaputok ng baril, inaasahan na mapipigilin nila ang mga magtatangkang magpaputok ng baril sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon.