Isang sanggol ang natagpuan sa isang simbahan sa Las Piñas na nakalagay sa eco bag at nakabalot sa kumot bago isagawa ang misa para sa Simbang Gabi.
Ayon sa ulat, isang security guard ng San Ezekiel Church ang nakakita sa inabandonang sanggol.
“May nakita siyang eco bag na nakalagay sa pagitan ng dalawang sasakyan sa tabi ng church. Nung nakita nya, medyo may umiyak ng konti,” saad ni Las Piñas Police chief Colonel Jaime Santos.
“Pagkasilip ko sa eco bag, gumagalaw pa sya. Nung nakita kong gumalaw pa sya, nagpatawag agad ako ng ambulansya para madala sya sa ospital,” sabi naman ni Police Corporal Shella Rosarito.
Napag-alaman na wala umano sa magandang pisikal na kondisyon ang sanggol at nasa ospital na ito. Napag-alaman rin na may sepsis ang sanggol.
Batay sa pulisya, maaaring sinadyang iwan ang sanggol bago ang misa sa simbahan upang madali siyang makita.
Sa ngayon ay sinusubukan tukuyin ng isang backtracking team kung sino ang maaaring nag-iwan sa sanggol sa simbahan.