Humingi ng paumanhin ang Malakanyang nitong Huwebes matapos kumalat ang isang proklamasyon umano na galing sa Palasyo na nagsasabing special half-day work day ang December 22, 2023 Nag-ugat ito nang mai-post ni Presidential Assistant for Strategic Communications Cesar Chavez sa kanyang social media account ang pekeng “Proclamation No. 427,” na nagdedeklara ng special (half-working) day.
Dahil galing umano sa isang opisyal ng pamahalaan, ilang media outlets at maging mga government agencies ang naniwala na totoo ang nasabing proklamasyon.
Matapos nito, naglabas ng paglilinaw ang Presidential Communications Office at sinabing peke nga ang kumakalat na dokumento kaugnay sa nasabing proklamasyon.
Aminado naman si Chavez sa kanyang pagkakamali at sinabing responsibilidad niya ang nangyari dahil hindi niya umano bineripika muna kung tunay nga ang nasabing dokumento bago niya ito ipinost sa kayang social media account.
“Apologies. I posted a content that was not first verified by me. For the confusion, the blame should be on me. I take full responsibility for this,” saad ni Chavez.
Samantala, wala pang pahayag ang PCO kung magkakaroon ng sanction ang opisyal dahil sa paglabas ng naturang fake news.
Sa isang naunang pahayag, nilinaw ng PCO na mali ang kumakalat na dokumento.
“Ipinababatid ng Presidential Communications Office na ang kumakalat na “Proclamation No. 427” na idinideklarang special (half-working) day ang ika-22 ng Disyembre 2023, araw ng Biyernes, ay kumpirmadong walang katotohanan,” saad ng PCO sa social media post nito.
“Ang nasabing dokumento ay huwad at walang opisyal na beripikasyon ng pamahalaan,” dagdag nito.
“Pinaaalalahanan ang publiko na maging mapanuri at sumangguni lamang sa official government sources para sa tamang impormasyon,” the PCO reminded the public.
Ang nasabing Proclamation No. 427 ay iba ang nilalaman, kung saan dineklara nitong Manlilikha ng Bayan 2023 ang siyam na indibiduwal.