Nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong ang mag-asawang Pakistani matapos mapatunayan na sila ang utak sa pagpapapatay ng kanilang sariling babaeng anak dahil tumanggi siya sa kagustuhan nilang ipakasal siya.
Taong 2021 nang mawala si Saman Abbas na nakatira sa Novellara, Italy matapos niyang tanggihan ang hangad ng kanyang pamilya na pakasalan ang isang mas matandang lalaki kesa sa kanya sa Pakistan.
Sa paglilitis ng isang tribunal sa Reggio Emilia, Italy, napatunayang ang mga magulang ng 18 anyos na dalaga ang nag-utos na ipapatay siya at tiyuhin ng biktima ang sumakal sa biktima hanggang mamatay.
Kinilala ang mag-asawa na sina Shabbar Abbas at misis niyang si Nazia Shaheen. Tinukoy naman ang tiyuhin na si Danish Hasnain.
Ang tiyuhin ay sinintensiyahan ng 14 taong pagkakakulong matapos umamin sa krimen habang ang dalawang pinsan naman ng biktima ay napawalang-sala, ayon sa ulat ng Agence France Presse nitong Martes.
Taong 2020 nang isuplong ni Abbas ang kanyang mga magulang sa kapulisan. Dahil dito, inilagay siya ng mga social worker sa isang shelter.
Binista niya ang kanyang mga magulang noong 2021 para sana kunin ang kanyang pasaporte at magsimula ng bagong buhay kasama ang bago niyang nobyo. Tinutulan ng kanyang mga magulang ang kanilang relasyon at pagkatapos nito ay nawala na si Abbas.
Ipinaalam ng nobyo ng biktima sa mga otoridad ang pagkawala ng kanyang kasintahan, dahilan para lusubin nila ang bahay ng mag-asawa, ngunit nakaalis na ang dalawa pabalik ng Pakistan.