Apat na katao ang nalambat ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa Quezon City na sangkot umano sa pangongopya ng credit card.
Ang modus ng mga suspek, hinaharang nila ang mga delivery ng mga credit card at pinapalitan ng mga peke o cloned card.
“Modus nila ay credit card tampering o credit card cloning. Itong ating mga sindikato ay umiikot sa mga junk shops, namimili sila ng used cards, o yung mga cards na tinapon, kinukuha nila, finaflaten hanggang sa maging blank card siya,” saad ni NBI Cybercrime Division Chief Attorney Jeremy Lotoc.
“Imagine from the bank, yung mga for delivery na bank cards, during enroute, i-intercept ito ng sindikato. Pag nakuha nila yung legit na cards, ishi-shift ito, papalitan ng pekeng card. Yung dadalhin ng courier sa mga recipients ay yung cloned cards na,” dagdag niya.
Sa isang CCTV video na kuha sa isang mall sa Maynila, makikita ang isang babae na bumibili ng mamahaling cellphone. Imbes na cash ang ipambayad, gumamit ang babae ng credit card na napag-alamang hindi pala siya ang may-ari.
Laking gulat na lang ng tunay na may-ari ng credit card na may utang siyang P80,000, gayong hindi naman siya bumili ng kahit ano.
Inamin naman ng isang suspek ang modus na ito.
“Pag nagka-abutan na ng card, sila na ang nagsasabi kung anong bibilhin ko sa mall, cellphone at laptop. May 200,000, [at may] 300,000. Pagkabili ko po, binibigay ko na sa kanila, basta ang sinasabi, 10-porsiyento ang mapupunta sa akin,” ayon sa isang suspek.
Isa sa mga reklamong kinahaharap ng apat na suspek ay paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Act.
Dahil dito, pinaalalahanan ng NBI Cybercrime Divison ang publiko na sirain ang magnetic strip at chips ng mga card na expired na at hindi na nila ginagamit bilang pag-iingat sa kanilang personal na impormasyon.